Payak na Paslit Galing ng Mallig Isabela

Jeffrey Limbauan

Sadyang napakahirap magpakilala kung wala ka namang katangian na dapat ipakilala. Ngunit kelangan magpakilala sa kadahilanang maaring bukas ay sisikat din ang araw at ikaw ay makikilala din sa larangan na iyong tinatahak. Sa aking nakagawian, napakadali para sa akin ipakilala at ipagmalaki ang isang tao. Ngunit sa aking katayuan, isang napakahirap na tungkulin ang ipakilala ang iyong sarili sa harap ng madla. Gayunma’y nais kong itampok ang aking sarili sa isang payak na artikulo na nilalaman ng pahinang ito ng aking blog.

Simula pagkabata, nabanaag ko na ang payak na pamumuhay ng aking Pamilya. Bagama’t nakaluluwag kahit papaano noong buhay pa aking ama, tila naputulan lahat ng hininga ng nabaril ng mga walang kwentang pulis ang aking sundalong tatay dahil sa walang kwentang alitan. Napakasaklap ng nangyari na siyang naging dahilan ng aming pagbagsak sa kabuhayan na aming nakagawian. Masakit man ang nangyari, para sa isang paslit na kagaya ko noong kapanahunang yaon ay tila gusto ko maging isang super hero para magkaroon ng kapangyarihan upang makitil ko rin ang buhay ng mga pumaslang sa aking ama.
Jeffrey Limbauan

Ang synopsis ng aking buhay ay sadyang napakasaklap dahil sa mga trahedya na nangyari sa aking buhay. Ang pagkamatay ng aking ama ay nasundan na pagkamatay ng aking lola na siyang nag aalaga sa akin ng nag ibang bansa ang aking ina. Ilang taon ang lumipas at namayapa rin ang aking lolo. Ang pagkamatay ng aking mga mahal sa buhay ang naging sandigan ko upang makapagtapos ng pag aaral sa tulong na gabay ng aking Kuya at mga kamag anak sa handog na pinansyal ng aking butihing tita Delia at maging sa iba pang tao na pamilya ang turing sa amin.(Hindi ko na sasabihin ang panagalan baka sabihin ng ibang tao na namumulitiko ako).  Ng ako’y makapagtapos, ang nagsilbi kong gabay na aking kuya ang siya namang kinuha ng panginoon na mistulang pinaguho ng lubusan ang aking buhay. Tila lahat ng pangarap ko’y gumuho at wala ng kwenta pang bumangon muli. Napakahirap pala ng mawalan ng kuya na Idolo, Ama-amahan, tigagabay, best friend, halos lahat sa kuya ko meron na lahat ng bagay na gusto namin ay nagagawa naming ng meron pa siya. Sabi nga nila nasa huli palagi ang pagsisisi na parang ang ilang taon na samahan namin ng aking kuya ay hindi sapat upang ipadama sa kanya na siya ang idol ko at siya ang tinutularan ko. Marami siyang achievements na nagawa sa aming pamilya at sa kanyang bayan. Na para sa akin, nakakahiyang ihalintulad ko ang aking buhay upang matapatan ang kanyang mga nagawa. Napakasakit isipin na kaya ko pa ba gawin ang kanyang mga nagawa? Na ako ngayon naglalakad sa isang masukal na lugar ng lungsod upang magalugad ang mga bagay na magbibigay sa akin ng lakas upang lumaban sa buhay.

Maaaring ang buhay ko ay masaya na sa ngayon dahil ang isang paslit na kagaya ko ay nagkakaroon na ng pakpak para lumipad at lumaban sa hamon ng buhay. Ang buhay ko dito sa lungsod ay nababatid ko na may kabuluhan dahil kahit papaano ay nakakatulong na ako sa aking pamilya. Napakasaya ko dahil meron ang aking mga kaibigan na tumutulong para mapag ibayo ko iba kung gawi at mahasa ito para ako’y maging makabuluhan gaya ng gawi sa pagbblog. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil hindi kami pinabayaan sa bawat pagsubok na dumarating sa aming buhay. Nagpapasalamat ako dahil sa meron akong maayos na trabaho. Ang dati isang kahig isang tuka na paslit ay ngayon kumakain ng tatlong beses na meal at 2 beses na meryenda at ay may midnight snack pa, hehehe. Ngunit ito’y hndi sapat upang magsaya na ako. Marami pa akong dapat gawin para makita ng aking pamilya na aking buhay ay para sa kanila.
Jeffrey Limbauan

Ang buhay ko ay napakapayak gaya ng ibang tao dito sa lungsod. Pero isa lang maipagmamalaki ko, nasa tuwid na landas ako ng aking pamumuhay. Wala akong inaapkang tao at walang akong inaagrabyado. Isa lang din ang pangarap ko sa buhay. Ang maipakita ko ang aking successful na buhay sa aking pamilya. Ang maipagmalaki ako gaya ng paghanga naming sa aking kuya. Ang kuya ko ang simbolo ng aking mapangahas na paghamon sa bawat pagsubok ng aking buhay at ang tatay ko ang nagsisilbing apoy ng aking tapang upang walang dapat urungan na laban ng buhay.

Masarap mabuhay pag maraming kaibigan… Pero mas masarap mabuhay pag nakabawi ka na sa mga nagkautang sa iyo… Hindi lahat ng panahon ay naitatago ang pait at poot. May panahon pa ring sumisiklab ito at kusang sasabog ito na parang bulkan. Sa pagkakataong iyon, humanda ang may sala. Ipanalangin na lng nila na kunin na sila ni Lord ngayon bago lumabas ang dragon sa aking puso.
Ito ako, ito ang buhay ko. Malalim man ako magtanim ng sama ng loob. Para sa isang kaibigan ako ang tao na hindi nang iiwan magpakailanman. Nandito ako palagi maasahan sa abot ng aking makakaya. Kung nabubuhay pa sana ang tatay at kuya ko, napakasarap sana magyabang sa bawat achievement na natatamo ko. Sarap pakinggan na marinig sa isang tatay na “ANAK KO YAN” at sa isang kuya na “KAPATID KO YAN”.  Kaya habang buhay pa ang bawat miyembro ng pamilya niyo, ipadama niyo ang tunay na pagmamahal.
___________________________________________________________________________

Ako ay kalahok sa paligsahang proyekto ng Azrael’s Merryland para sa buwan ng Agosto.

Narito ang iba pang mga blogger na kalahok sa proyektong ito:
http://www.glamourmoments.net/
http://tasteofgoodness.blogspot.com/
http://akosiemersonsy.wordpress.com/
http://www.marnelldelosreyes.com/
http://www.jeffreylimbauan.blogspot.com/
http://www.eventlovershideout.com/

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *