Tila wala ako maisulat sa aking blog. Tila isang pluma na walang tinta. Tila isang utak na walang maisip. Ngunit sa aking pagmumuni-muni, nababanaag ng aking kaisipan ang mga simpleng bagay na pwedeng pagsimulan ng isang paksa. Maliit man ito o malaki, sa aking pagsusulat, itoy’ mabibigyan ng makulay na kahulugan ayon sa aking opinyon at kuro-kuro. Mga simpleng bagay sa paligid na kapag pinagtuunan mo ng pansin ay mabibigyan mo ng maayos na kahulugan sa pang araw araw na kabuhayan.
Bakit nga ba ako nagbblog? Para sa akin ang blogging ay isang kagawian na dapat matutunan ng bawat tao para maipahayag ang saloobin at nilalaman ng kaisipan. Ngunit paano tayo magbblog kung wala tayong mainam na paksa? Tila nagsusulat ka sa gitna ng dilim na pakiwari mo’y walang patutunguhan ang bawat kataga na iyong nais ipamahagi. Para sa akin ang blogging ay hindi kinakailangan ng pinag- uusapang paksa. Mamili ka ng paksa na naaayon sa iyong kaisipan at maipadadama mo sa iyong mangbabasa ang mabulaklak na katangian nito. Simpleng paksa na magbibigay ng ibayong kaalaman sa iyong mababasa.
Nagtataka ba kayo na ang aking blog ay sa wikang Filipino na dati ay nasa wikang Banyaga? Sa pagkakataong ito, nais ko pahalagahan ang ating sariling wika dahil sa ngayon ang selebrasyon ng Buwan ng Wika. Bagama’t hindi kesyu ngayon ang buwan ng wika ay ngayon lang natin gagamitin ang wikang Tagalog para sa pakikipagtalastasan. Ito ay dapat isapuso at isagawa sa bawat aspeto ng ating buhay. Masarap sambitin ang ating wika lalo na at naghahambing tayo ng mga paksa na ngayon lang mailalahatla. Ika nga ng iba, ating pagyamanin ang ating sariling wika.
Panahon nanaman ng tag-ulan… Para sa atin ang Tag-ulan ay nakakabagot at nakakainis dahil sa masamang panahon. Tuwing tag-ulan ay panahon din ng pagdating ng mga bagyo na siya nmang kinakatukutan natin dahil sa mga maidudulot ito na sakuna at pagwasak nito sa ating mga ari-arian. Ngunit bakit nga ba natuon sa akin ang Tag-ulan? Ang ulan ay may mabuti at masamang naidudulot sa ating pamayanan sa ngayon. Mabuti dahil nakakatulong para sa magsasaka at masama para sa mga nakatira sa mga lungsod na parating binabaha.
Gaya ng ibang bagay sa ating paligid, sadayang nilikha ang ulan para sa normal na kaayusan o reaksyon ng kalikasan. Bagama’t ang mga ulan sa ngayon ay tila nagbabadya ng pniningil ng kalikasan sa ating karuwagan. Noon gustong gusto natin maligo sa ulan pero ngayon ni ayaw natin matuluan ng patak ng ulan dahil sa sakit na maidudulot nito.
Sadya ngang nag iba na ang kalagayan ng ating mundo. Dati pag may bagyo balewala lang dahil hindi naman ito mapaminsala. Hindi gaya ngayon na ang bawat bagyo ay tila delubyo na kayang kumitil ng sangkatauhan. Ngunit napapaisip ako sa ibang debate tungkol sa reaksyon ng ating kalikasan. Pakiwari nila na tila ang kalikasan pa ang may kasalanan dahil sa mga bagyo o delubyo na dumarating sa ating pamayanan. Di ba dapat ang isipin natin ay ang ating karuwagan dahil sa walang pakundangan na pagsira sa ating kalikasan? Ilang beses man tayong pangaralan at ilang beses din nating inumpisahan ang luntiang rebolusyon, hindi pa rin sapat dahil hanggang umpis lang naman tayo at pag naglaon ay wala na. Tila naniniwala na ako na tayong mga Pilipino ay sadyang “NINGAS KUGON” lamang..
Mabuti pa si Manny Pacquiao ay kayang pag isahin ang sambayanang Pilipino tuwing may laban siya. Samantalang ang ibang pulitiko ay bagyo sa pangungulimbat at pagpuno ng kanilang bulsa. Parang gusto ko may bagyo palagi dito sa Pilipinas at lunurin ang mga buwayang nasa tungkulin. Pero ang nangyayari, nauuna munang alunod ang mga maralita dahil sa munting barong barong lamang naktira. Samantalang ang mga Pulitiko ay nasa kanilang mga mansyon na kasing taas ng Tore ni David.
Bakit ko nasambit ang ulan, bagyo, si Pacquiao at ang ibang pulitiko? Dahil maaari nating ihalintulad na ang mabuting ulan ay si Pacquiao na naghahatid ng magandang balita at karangalan. At ang mga bagyo ay nahahalintulad sa mga Pulitiko na nagbibigay ng masamang balita at delubyo. Pero makakapulot tayo ng mabuting aral sa aking mga tinuran patungkol sa bagyo at mga ganid na pulitiko.
“Nang dahil sa bagyo natuto tayong magtulungan, at nang dahil sa mga asal hayop na pulitiko, namulat tayo sa isang kaisipan na linisin at ilayo ang ating lipunan sa mga kukong lawin ng mga pulitiko.” Sa bandang huli tayo pa rin ang bida kung magkakaisa tayo sa bawat kabutihan na ninanais natin sa ating pamayanan. Magkaisa tayo ngunit huwag tayo umasa sa tulong ng iba. Matuto tayong tumayo sa sarili nating mga paa para makita natin ang tunay na pagbabago. Anumang unos ang dumating, nandito tayo at lumalaban sa bawat pagsubok ng ating buhay. Walang dapat isakripisyo. Ang kailangan natin ay tulungan natin ang ating mga sarili. Masarap mabuhay kung may buong tapang kang harapin ang bawat pangyayari sa iyong buhay…
———————————————————————————————–